Cool With You (Part 3)
By: LolaNiKing
Tumigil kami ni Mikey sa paglalakad. Tumingin ang mga nangungusap niyang mata sa akin, tila may pagaalalang maaaninag sa kanyang mga mata. Saglit ko lang iyon natitigan dahil yumuko ulit ako sa sobrang sama ng loob ko. Humigpit ang kapit niya sa aking mga balikat na animo'y gusto niya akong yakapin. Nasa ganoon aming ayos nang tawagin kami ng mga kasamahan namin dahil maghihiwa-hiwalay na at magkakanya-kanya na ng uwi. Pilit akong ngumiti at hinila sa Mikey papunta sa aming mga kabarkada.
Mula nang makapagusap kami ni Mikey tungkol sa aking problema ay hindi pa namin ulit napaguusapan, marahil ay lagi kaming may kasamang ibang tropa kaya ganun na lang din ang nangyari. Tila roller coaster na naman ang nasakyan namin na patok na jeep na nageexhibition sa kalye ng gilmore. Puro tawanan at sigawan ang maririnig sa jeep kasabay ng pagdadasal ng ilang mga matatanda na kasama rin namin sa loob. Sa sandaling panahon ay nawala sa isip ko ang problemang kailangan kong kaharapin.
Nakababa na kami n Mikey sa jeep. Naglalakad papuntang terminal ng jeep kung saan dapat kami maghihiwalay ng sakay. Tahimik lang kaming naglalakad, tila pinapakiramdaman ako ni Mikey dahil madalas na siya ang unang nagsisimula ng usapan. Maraming gumugulo sa aking isipan ng mga panahon na yon. Una, dismayado ako sa sarili ko dahil ginawa ko naman ang lahat makakaya ko. Pangalawa, kung kailangan ko na bang lumipat ng kurso dahil pangit sa records ang may singko. Ikatlo, kung mapapakiusapan ko pa ba ang aming guro para mabago niya ang aking grado. Ikaapat at ang pinakahuli ay kung paano ko masasabi sa aking mga magulang ang nangyari. Sa lalim ng pagiisip ko ay di ko napansin na nasa terminal na pala kami ng jeep. Inakbayan ako ni Mikey
"Ingat ka bunso. Wag mo na muna masyadong isipin yun. Umuwi ka muna sa inyo at magpahinga"
Tumingin lang ako sa kanya at pinilit na ngumiti. Umalis na siya sa pagkakaakbay at sumakay na sa jeep. Ako naman ay di makaalis sa kinatatayuan, may naguudyok sa akin na sumabay sa kanya sa jeep. Pwede naman ako sumabay sa kanya kaya lang mas malayo at mas madilim ang lalakaran kaya hindi ko ito ginagawa pero nung mga panahon na yun parang gusto ko lang siya makasama o makatabi man lang dahil magaan ang loob ko pag kasama ko siya.
"Oh? Bat ka sumakay dito? Dun ka dapat sasakay ah" Sabay turo sa katapat na pila ng jeep
"Ayaw mo na ba akong kasama kuya?" na may kasamang pagpapaawa at pout
"Ang panget mo!" Halatang gulat sa ginawa kong ekpresyon at pilit na tumawa
"Sigurado ka bang sasabay ka sa akin? Saan ang baba mo? Mahal pamasahe dito. Haha" Pahabol niyang tanong sa akin
"Dami mong tanong kuya! Ayaw mo lang talaga ako kasabay eh" Sabay yuko.
"O sige na. Drama mo bunso" Sabay dantay sa balikat ko.
Nung mga panahon na yun may kung ano akong naramdaman na hindi ko na naramdaman sa tanang buhay ko. Para akong nakikiliti at parang gumaan ang pakiramdam ko. Pinagwalang bahala ko na lang ang aking naramdaman dahil hindi ko pa iyon naiintindihan ng mga panahong iyon. Sa sobrang tagal ng pagpuno ng jeep ay nakatulog na siya habang nakadantay sa aking balikat. Ilang minuto pa ay nakatulog na rin ako. Nagising kami ng biglang pumreno ng malakas si manong driver. Napansin kong malapit na rin pala akong bumaba. Nagpunas ako ng mukha dahil pawisan kaming dalawa sa init habang kami ay natutulog sa jeep. Umakbay siya sa akin at ngumiti naman ako nang magkatitigan kami.
"Ingat sa byahe kuya" Sabi ko sabay hawak sa binti niya.
"Bababa ka na?" Tanong niya. Tinaas ko lang ng sabay ang dalawa kong kilay ng ilang beses.
Natawa lang siya at tahimik na naman. Sumiksik siya sa akin at hinigpitan ang pagkakaakbay. Ayan na naman. May kung anong kiliti na naman ang aking nararamdaman. Pinagwalang bahala ko na lang ulit dahil masarap naman sa pakiramdam. Dumating na sa kanto kung saan ako bababa. Pumara ako. Tumingin kay Mikey at nagsabing ingat ng walang tunog na lumalabas sa bibig. Ngumiti naman siya at sumaludo. Nakangiti ako habang naglalakad papunta sa aming bahay nang marinig ko ang aking cellphone na tumunog.
"Alm qng mbgat yng dndala u. And2 lng aq bunso" napangiti ako sa aking nabasa
"Slmt kua! XD" masaya kong text back
May parang kung anong pwersa ang sinabi ni Mikey na dahilan para masabi ko sa bahay ang nangyari sa akin. Masaya naman ako na hindi ako pinagalitan. Dismayado man ang aking mga magulang ay pilit nilang pinaramdam sa akin na okay lang at pwede pa naman akong bumawi. Swerte ko sa mga magulang ko. Alam naman nilang maayos akong magaral at sadyang minalas lang. Aminado rin naman akong kahinaan ko ang math kaya mas madali kong natanggap.
Sinubukan kong hanapin ang prof namin nung sumunod na araw para makiusap kung pwede pang remedyohan ang grades ko. Sa kasamaang palad ay nakaleave na si sir at sa pasukan na ulit babalik. Napagdesisyunan ko na rin na hindi na ako lilipat ng kurso dahil may bagsak man ay masaya na ako sa mga kaibigan kong natagpuan sa pamamagitan ng aking kurso. Magre-retake ako ng binagsak kong subject at magsa-summer class sa mga pre-requisite na subjects para maging regular ulit sa susunod na taon.
Habang ang mga tropa ko ay hayahay ang buhay sa kani-kanilang mga tahanan ay hindi naman ako mapakali kung paano bubuo ng isang section para sa mga magre-retake ng subjetc na binagsak ko. Buti na lang nakaabot ako sa huling section na naioffer ng university. Dati kasi kailangan pa pumunta sa ICT center para malaman kung may available na subject para sa mga magre-retake at kailangan may mag-ayos ng para makagawa ng isang section. Mabilis na natapos ang sem break.
Natapos iyon na hindi ko man lang naenjoy dahil lagi akong nasa university para sa ire-retake. Buti na lang mas mura ang rent ng mga comp shop sa paligid at medyo nakakawala ng stress ang paglalaro ng cabal at dota.
Natapos na ang two weeks sem break at nagsimula na ang second sem. Nagiba ng bahagya ang schedule ko dahil sa subject na niretake ko at sa mga pre-req subjects. Mas magaan ang load ko ngayong sem. Naswertehan ko rin na yung prof namin sa niretake kong subject ay chill at magaan na ang pakikitungo sa amin dahil daw pangalawang take na namin iyon at sure daw na pasado na kami.
Hindi na muna ako nakakasama sa mga katropa ko. Minsan na lang kami magkasama ni Mikey. Kung magkasama man kami ay hindi ko siya masyado nakakausap dahil hindi ako makarelate minsan dahil hindi ko sila kasama palagi. Kuya at bunso pa rin ang tawagan namin pero parang may nagiba. Pinagkibit balikat ko na lang at inisip na baka dahil hindi kami lagi magkasama kaya ganon.
Mabilis na dumaan ang second sem. Walang masyadong happenings kasi lagi akong absent sa mga lakad ng tropa. Paminsan minsan na lang din ang mga dota sesh namin dahil uwian na nila at may pasok pa ako kaya nakakayamot. Buti na lang mabait si prof. Napasa ko naman with flying colors ang mid term at finals dahil yun na
lang ang exam na kailangan namin itake. Alam ko na rin ang pagkakamali ko nung unang take ko ng subject na ito. Nane-neglect ko yung sign pag nagta-transpose three to four steps bago ang final answer kasi nagiging confident na ako after nung mahirap na part. Yung tipong X + 3 = 9 na ang sagot dapat ay x = 6 pero x = 12 ang final answer mo. (facepalm na lang mga bes) Dapat mataas pa rin score ko nun eh pero mas mahalaga sa prof namin ang final answer kesa sa solution ko kaya medyo mababa ang mga scores ko nung unang take ko.
Nung second sem may napansin din akong lalaki na malapit kay Mikey. Kung nung first sem ay kami ang laging magkasama, sila naman ngayon ang lagi. Kung ako may pagkacute at isip bata ang katangian, eto naman hunky. Siya si Marky. Matangos na ilong, isa sa mga pinakamatangkad sa room, bulky ang katawan, isa sa mga may pinakamagagandang grades sa buong section at lalaking lalaki pati boses. Masasabi kong lingunin talaga siya sa campus. Totoo pala na parang bumibigat ang puso mo. Parang malungkot ako pag nakikita ko siyang may kasamang iba na close din niya. Parang gusto ko ako lang dapat. Pero nagkibit balikat na lang ulit ako dahil noon ko lang din yon naramdaman. Hindi ako showy sa aking nararamdaman at madalas kinikimkim ang mga bagay bagay hanggang sa mawala na lang iyon.
Wala akong chance na makilala ng lubusan si Marky dahil sa taliwas na schedule ko nung second sem. Alam ko naman na mabait siya pero may konting bigat akong nararamdaman pag nakikita ko silang magkasama ni Mikey. Naisip ko na lang na siguro mawawala rin yun pag nakilala ko na siya at magbabalik kami sa dati ni Mikey pag nahabol ko ang mga subjects ko.
Habang ang mga kaklase ko ay pahila-hilata sa bahay, pa-swimming swimming kung saan saan at nagmamarathon ng kung ano-anong anime sa kanilang mga bahay, ako ay pumapasok 6 days a week dahil may tini-take ko ang dalawang subject na pre-requisite ng binagsak kong subject nung first sem. Imaginin mo yung isa pang subject may lab kaya six hours continues lab and lecture. Ang saya ng buhay. Goodbye summer.
Tapos na ang summer class. Masaya dahil isa na ulit akong regular student. Nahabol ko na ang mga dapat kong habulin at makakasama na ulit ako sa mga happenings ng tropa.
Unang araw ng pasukan. Nagising ako ng maaga dahil excited na kong makita sila lalo na si Mikey. Kumain at naligo bago nagbihis para maagang makapunta sa paaralan. Sumakay ng patok na jeep papunta sa paaralan. Rakrakan ang trip ni manong driver. Halos mabingi kami sa tugtog pero lahat naman kami na nakasakay sa jeep ay estudyante kaya "lets party inside the jeep!!". Makikitang nag-eenjoy din ang mga nakasakay lalo na nung magexhibition si manong driver sa kalsada ng gilmore. Kaya sigawan at nagtatawanan ang maririnig. Nang makababa ay nagpasalamat sa panginoon dahil nakarating akong buhay. Napakagandang simula ng araw.
Habang papalapit sa aming room ay naaalala ko yung mga ngiti at mga jokes ni Mikey. Pati mga expressions na ginagawa niya. Mukha akkong tanga sa daan na nakangiting aso ng walang dahilan.
Tinignan ko ulit ang aking registration card para ikumpirma na tama ang papasukan kong room. Umakyat ako sa hagdan at nakasalubong ang mga pamilyar na mukha na akin namang nginitian. Nakasalubong ko rin ang ilan sa mga kaklase ko na bababa para bumili ng pagkain. Niyaya nila ako dahil sabi nila wala pa naman ang prof sa room ngunit tumanggi ako at nagdahilan na pagod at gusto ko munang ibaba ang gamit ko pero gusto ko na talagang makita si Mikey. Natatanaw ko na ang pinto ng aming room. Hindi ko mapigilan ang ngiti sa aking mga labi. Naririnig ko na ang tibok ng aking puso. Nasa tapat na ako ng pinto, sinalubong naman ako ng mga kaklase ko at nakipagkamustahan, hindi ko makita kung saan nakapuwesto si Mikey. Hindi rin ako makapgfocus sa paghahanap dahil ang daldal ng mga kausap ko at nakakabastos kung hindi ko sila kakausapin. Habang nakikipagusap ay may narinig akong boses. Kilala ko yung boses na yun. Ang lakas ng halakhak niya na nagbigay sa akin ng kakaibang kiliti. Napangiti ako at lumingon kung saan nanggagaling ang boses. Nakita ko si Mikey na masaya.
.
… kasama si Marky. Sira ang araw ko