Manibela (Part 1)
“Yaya Lucring, pakisabihan pala yung bagong driver na umuwi na. Tatawagan na lang kamo sya kung kailan sya babalik.” ang bungad ni Josh sa pagpasok niya sa kanilang bahay.
“Nandyan ka na pala iho. Sige sasabihan ko. Nasa garahe pa ba sya?” ang tugon ni Yaya Lucring.
“Oo yaya. Heto pala sahod nya ng dalawang araw. Pauwiin mo na agad at ayaw ko na syang makita.” ang dugtong pa ni Josh na inis na inis.
Lumabas ng bahay si Yaya Lucring at tinungo ang garahe.
“Itong batang ito, ano bang ginawa mo sa daan at mainit na naman ang ulo ng alaga ko?” ang tanong ni Yaya Lucring sa driver.
“Nagalit pala si sir kanina.” ang tugon ng driver na tila nagtataka sa nalamang mood ni Josh.
“Eh ano pa nga ba. Kaya nga pinauuwi ka na at heto ang sahod mo sa dalawang araw.” ang dugtong naman ni Yaya Lucring.
“Nakakainis ho kasi yung isang driver ng kotse. Purkit ba mamahalin ang kotse nya ay gigitgitin nya na kami ni sir. Hindi ko sya pinagbigyan kaya nagalit sa akin at binabaan ako ng bintana. Tapos sinigawan ako. Hindi ko nga naintindihan ang sinabi nya kasi English. Kaya sinigawan ko rin siya.” ang paliwanag naman ng driver.
“Hay naku! Kaya pala. Ayaw ng alaga ko ng ganoon. O sige baka tawagan ng lang kita uli kung pababalikin ka pa ng alaga ko.” ang sinabi naman ni Yaya Lucring.
Nagpaalam na ang driver at si Yaya Lucring naman ay pumasok muli sa loob ng bahay. Dinatnan niya si Josh na nagmemeryeda sa may kusina.
“O bakit dito ka kumakain? Hindi mo na ako hinintay para ayusin ang meryenda mo sa hapag kainan.” ang tanong ni Yaya Lucring.
“Okey lang yaya. Naamoy ko itong niluto mong pansit kaya kumuha na agad ako. Eh yung driver, umuwi na ba?” ang tugon ni Josh sabay tanong na rin.
“Oo. Nabigla nga eh. Akala nya okey lang sa iyo yung nangyari sa inyo sa daan.” ang tugon naman ni Yaya Lucring.
“May pagkabarumbado kasi sya. Ayaw ko ng ganoon. Baka sa susunod eh barilin na lang kami sa daan dahil lamang sa hindi pagbibigayan sa kalsada.” ang dugtong pa ni Josh.
“Hay naku! Ang hirap pa naman makakuha ng matinong driver ngayon. Noong isang linggo, laging late yung nakuha mong driver. Tapos ngayon barumbado naman.” ang nasabi naman ni Aling Lucring.
“Ipaskil mo sa labas yung karatula natin na wanted driver. Tawagan mo na rin nga yung agency kung meron pa silang mapadadalang aplikante agad-agad.” ang pakiusap ni Josh kay Yaya Lucring.
“Sige ngayon din ay ilalagay ko na yung karatula. Kung bukas pa yung agency sige tatawagan ko na rin.” ang tugon naman ni Yaya Lucring.
Kinabukasan ay may isang aplikante na nagtanong kay Aling Lucring.
“Magandang umaga po.” ang bungad ng aplikante ng pagbuksan ni Aling Lucring ng gate.
“Magandang umaga naman iho. Anong atin iho?” ang tanong ni Aling Lucring.
“Mag-aapply po sana ako bilang driver. Nakita ko po kagabi pa yung karatula nyo. Kaya lang gabi na po at baka makaistorbo ako sa inyo. Kaya inagahan ko na lamang ang punta ngayon.” ang tugon ng aplikante.
“Ganoon ba! Sige iho pasok ka. Ano nga bang pangalan mo? Matagal ka na bang nagmamaneho? Saan ka ba nakatira?” ang sunud-sunod na tanong ni Aling Lucring.
“Eman Santos po ang pangalan ko. Mga dalawang taon na rin po ako nagmamaneho. Pa-extra-extra po ako dyan po kina Mrs. Buena sa kabilang kanto. Galing po ako sa kanila kagabi at pagdaan ko po sa tapat ng bahay nyo ay nakita ko po itong karatula. Dyan lang po ako sa may labasan ng subdivision nangungupahan.” ang tugon naman ng aplikante.
“Maupo ka muna dyan at tatawagin ko si Dr. Josh. Sya ang ipagmamaneho mo.” ang sabi naman ni Yaya Lucring.
Makalipas ang ilang minuto ay lumabas muli ng bahay si Aling Lucring kasama si Josh.
“Ikaw pala yung aplikante. Sige susubukan kita ngayong araw. Okey ka naman daw sabi ni Mrs. Buena. Ano na nga bang pangalan mo?” ang bungad ni Josh.
“Eman Santos po. Kakilala nyo pala si Mrs. Buena.” ang tugon ni Eman.
“Oo naman. Ninang ko sya.” ang nasabi naman ni Josh.
“Yaya Lucring, pakainin mo muna si Eman. Mamayang konti ay lalakad kami. Pupuntahan ko lang muna yung farm.” ang utos ni Josh kay Yaya Lucring.
“Hindi ba kayo pupunta ng clinic nyo ngayon?” ang tanong ni Yaya Lucring.
“Pakitawagan ang aking secretary na hindi muna ako magrereport ngayon. Tutal wala naman akong appointment na naka-schedule. Kung may tatawag ngayong araw sa clinic para makipag-appointment, pakisabi na sa Lunes na ako papasok.” ang dugtong pa ni Josh.
Nuerologist si Josh. Subalit kahit na malaki na ang kinikita nya sa pagiging doctor ay asikaso pa rin niya ang business na iniwan ng kanyang mga magulang sa kanya. May malaki siya coffee bean farm sa Batangas at iyon ang hindi niya kayang talikuran simula ng mamatay ang kanyang mga magulang. Nag-iisang anak lang si Josh at simula ng pagkabata ay yung farm na iyon ang kinalakihan niyang bumuhay sa kanilang pamilya.
“Handa ka na ba Eman?” ang tanong ni Josh kay Eman.
“Opo sir. Nalinis ko na rin po yung kotse. Daan po tayo sa gasolihan at medyo kulang sa hangin yung gulong. Pakargahan na rin po natin ng gas. Medyo paubos na rin po ang gas.” ang tugon naman ni Eman.
“Ayos ah. Na-check mo agad itong kotse.” ang nasabi naman ni Josh.
“Yun naman po ang dapat. Bago magbyahe ay i-check ang sasakyan ng makaiwas sa abala kung may aberya sa daan.” ang tugon naman ni Eman.
“Sige tara na.” ang anyaya ni Josh.
Likas kay Eman ang magalang. Bagay lamang iyon sa maamo niyang mukha. May angking kagwapuhan ni Eman. Kayumanging kaligatan, may katangusan ang ilong, medyo tsinito ang mga mata at may mga biloy sa pisngi. Nasa 5’ 10” ang taas niya at may matipunong pangangatawan.
“Ilang taon ka na pala Eman?” ang tanong ni Josh.
“Twenty six na po.” ang tugon ni Eman.
“May asawa ka na ba?” ang tanong muli ni Josh.
“Wala pa po. Pero may girlfriend na po ako at nagbabalak na rin po kami magpakasal.” ang tugon ni Eman.
“Ah ganoon ba. Eh nasaan naman girlfriend mo?” ang tanong na naman ni Josh.
“Nasa probinsya po namin sa Cagayan.” ang tugon ni Eman.
“Ang layo pala ng province nyo at ang layo nyo rin sa isa’t isa.” ang nasabi ni Josh.
“Oo nga po. Pero okey lang po iyon. Wala naman po ako trabaho doon. Kapag medyo ayos na ang kinikita ko dito ay magpapakasal na po kami at papupuntahin ko na po sya dito.” ang nasabi naman ni Eman.
“Hindi mo pa ba kaya ngayon na kunin dito ang girlfriend mo?” ang tanong na naman ni Josh.
“Hindi pa po eh. Pa-extra-extra lang po ako bilang driver. Wala pa po akong regular ng pinapasukan. Sana po sa inyo magtagal ako.” ang tugon ni Eman.
“Nasasaiyo yun kung tatagal ka sa akin. Basta ayusin mo lang trabaho mo. Wala kang magiging problema sa akin.” ang nasabi naman ni Josh.
“Makaaasa po kayo na pagsisilbihan ko kayo ng maayos.” ang pangako naman ni Eman.
Nagpatuloy ang pag-uusisa ni Josh kay Eman upang malaman nito ang tunay na pagkatao niya. Buong katotohanan namang tinugon ni Eman ang mga tanong ni Josh. Naramdaman iyon ni Josh ang pagiging totoo ni Eman sa kanya. Sa unang araw nilang pakakakilala ay napanatag na ang kalooban ni Josh kay Eman bilang mapagkakatiwalaang driver.
Kinahapunan na ng Lingo ng makabalik sa bahay sina Josh at Eman.
“Yaya Lucring, maayos pa ba yung driver’s quarter?” ang bungad ni Josh sa pagbaba niya ng kotse.
“Oo naman. Malinis iyon. Bakit?” ang tugon at tanong na rin ni Yaya Lucring.
“Pagamit mo na kay Eman ng hindi na siya mangungupahan. Tutal wala namang gumagamit ng silid na iyon.” ang tugon ni Josh.
“Huwag na po sir. Doon na lang po ako sa inuupahan kong silid. Malapit lang naman po iyon. Kahit anong oras pwede po akong makapunta dito.” ang nasabi naman ni Eman ng marinig ang utos ni Josh kay Yaya Lucring.
“Mas okey kung dyan ka na titira. Makakatipid ka pa. Sige na gamitin mo yung pick-up para kunin mo ang mga gamit mo sa inuupahan mo. Check mo na rin yung pick-up kung maayos pa. Last Saturday ko pa yan huling nagamit.” ang nasabi ni Josh kay Eman.
“Salamat po.” ang tanging nasabi ni Eman bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay si Josh.
“Ano bang gayuma ang pinakain mo sa alaga ko at nakuha mo agad ang loob niya?” ang pagtatakha ni Yaya Lucring.
“Wala po. Basta po lahat ng tanong niya ay sinagot ko ng pawang katotohanan lamang. Lahat ng utos niya ay ginagawa ko naman ng maayos. Yun lang po.” ang tugon ni Eman.
“Alam mo ba na nakailang palit na ng driver yang alaga ko. Yung huli eh dalawang araw lang. Eh anong meron ka ay napaamo mo si doc.” ang nasabi naman ni Yaya Lucring.
“Ewan ko po.” ang tugon naman ni Eman.
“Sige na nga at tignan mo na yung pick-up si doc. Kunin mo na rin ang mga gamit mo at ng matulungan kitang maayos ang magiging silid mo.” ang nasabi na lamang ni Yaya Lucring.
Simula ng araw na iyon ay doon na nga nanirahan si Eman. Simula din ng araw na iyon ay napalapit si Eman hindi lamang kay Josh kundi kay Yaya Lucring na itinuring na niyang pangalawang ina. Kapag nasa bahay lamang si Eman ay tumutulong ito kay Aling Lucring sa mga gawaing bahay. Pagluluto ang tanging responsibilidad ni Yaya Lucring sa bahay. Yung mga labahan ay sa isang malapit na laundry shop dinadala. Konting linis lang ang ginagawa ni Yaya Lucring dahil once a week ay may inuupahang tagalinis sila ng bahay at taga-maintain na rin ng hardin. Ayaw kasi ni Josh ng marami pang tao sa kanilang bahay. Yung pagpayag ni Josh sa pagtira ni Eman ay talagang pinagtakhan ni Yaya Lucring. Pero sa tingin naman ni Yaya Lucring ay hindi nagkamali si Josh. Malaking tulong si Eman sa kanilang dalawa.
Continue Reading Next Part