Manibela (Part 7)
Kinabukasan namasyal ang dalawa sa kalagitnaan ng taniman ng coffee beans. Masaya pa ang naging kwentuhan ng dalawa.
“Sana bumilang pa tayo ng taon na magkasama tayong namamasyal sa farm na ito sir.” ang nabanggit ni Eman.
“Sana nga. Pero handa naman ako kahit ano pang mangyari. Tila sanay na rin ako na mawalan ng mahal sa buhay.” ang nasabi naman ni Josh.
“Totoo ba sir na mahal na mahal nyo na rin ako, sir?” ang masayang natanong ni Eman kay Josh.
“Oo naman, Eman. Kaya huwag mo na akong tatawaging sir. Josh na lang.” ang naging tugon ni Josh.
“Ayaw ko sir. Basta sir pa rin ang tawag ko inyo. Baka sabihin nila na oportunista ako.” ang nasabi naman ni Eman.
“Ikaw ang bahala. Kung iyon ba ang gusto mo.” ang dugtong naman ni Josh.
“Kaya lang kahit saan mo tignan sir ay masasabi pa rin ng ibang tao na mapagsamantala ako. Ang layo ng estado natin sa buhay. Di pa ako nakapagtapos ng college. Samantalang ikaw ay isang dalubhasang doctor.” ang medyo malungkot na nasabi ni Eman.
“Ang pagmamahal ay walang binabatayang sukatan. Kapag nagmamahal ka at maligaya ka, sapat na iyon. Kahit ano pa ang sabihin ng iba.” ang nasabi naman ni Josh.
“Sir, si Yaya Lucring. Ano kaya ang magiging reaction niya kung malaman niya ang totoo?” ang tanong na naman ni Eman.
“Kahit wala pa akong naipagtatapat kay Yaya Lucring sa tunay na pagkatao ko ay tiyak ako na alam na niya iyon. Sya na ang nag-alaga sa akin simula sa aking pagkapanganak. Laging naroroon siya sa bawat lungkot at ligayang aking nararanasan sa aking paglaki. Sa tingin ko nga mas kilala niya ako kaysa sa tunay kung ina. Hindi lang niya ako tinatanong, pero alam ko na alam na niya ang tunay kong pagkatao.” ang tugon naman ni Josh.
Kahit na nagtapat na si Josh sa tunay na nararamdaman sa kanyang driver ay nanatili pa rin ang kanilang turingan bilang amo at bilang driver sa mga mata ng mga taong nakakasalamuha nila. Kahit nagsasama na sa isang silid ang dalawa ay wala pa rin silang sinabi kay Yaya Lucring at wala din namang tinatanong ito. Marahil alam na din ni Yaya Lucring ang kahulugan ng pagtulog ng dalawa sa iisang silid. Hindi naman niya ito pinakikialaman dahil alam nya na maligaya ang kanyang alaga sa piling ni Eman.
Nakumbinsi naman ni Josh si Eman na magpatuloy ng pag-aaral. Nang makatapos siya ay nagbukas si Josh ng isang car repair shop at si Eman ang nangsiwa dito. Naging maayos naman ang takbo ng negosyong iyon. Kahit na abala si Eman sa shop ay hindi niya ipinagkatiwala sa iba ang pagmamaneho sa paghatid at pagsundo kay Josh. Wala pa rin ibang nakahawak ng manibela ng kotse ni Josh maliban kay Eman.
Ilang taon na rin ang masayang samahang iyon nina Eman at Josh ng dumating muli ang isang pagsubok sa buhay ni Josh.
“Yaya Lucring, paki-impake naman ako ng mga damit kong gagamitin ko ng mga isang linggo.” ang utos ni Josh kay Yaya Lucring ng isang gabing dumating ito sa bahay.
“Bakit iho? May lakad po ba kayo ni Eman?” ang tanong ni Yaya Lucring.
“Hindi na ako makakapaghintay na ayusin pa ang passport at visa ni Eman. Ako lang ang lilipad patungo sa Amerika bukas din.” ang tugon ni Josh.
“Bakit iho?” ang pagtataka ni Yaya Lucring.
“Tinawagan ako ng kapatid ni Carmi. Namatay na pala siya. Nahulog daw sa bintana ng tinitirahan nilang apartment sa New York mga ilang buwan na ang nakakaraan.” ang tugon ni Josh.
“Eh yung anak nyo? Nasaan na sya?” ang tanong muli ni Yaya Lucring.
“Ayon na nga ang dahilan ng pagpunta ko sa Amerika. Napag-alaman ng kapatid ni Carmi dito sa Pilipinas na nasa pangangasiwa daw ng Social Welfare doon ang aking anak dahil sa nagawang pagmamaltrato ng kayang pekeng ama na kano. Posible nga din daw na ang asawa ni Carmi ang dahilan ng pagkamatay nito na inihulog mula sa bintana at hindi yung police findings na na-out of balance siya habang nililinis ang bintana. Inaayos na daw ang adoption paper nya ng kanyang magiging foster family. Kailangan akong magpunta para mapigilan ko iyon at makuha ko na ang aking anak.” ang nasabi naman ni Josh.
Inihatid ni Eman si Josh sa airport kinabukasan. Ang isang linggong paalam ni Josh ay umabot ng halos isang buwan. Sa pagbalik ng Pilipinas ni Josh ay kasama na niya ang pitong taong gulang niyang anak na babae. Sinalubong siya nina Eman at Yaya Lucring sa airport.
“Maligayang pagdating.” ang bungad ni Eman sabay yapos sa kanyang amo.
“Na-miss ko ang baby ko. Parang pumayat ka.” ang bungad naman ni Yaya Lucring sabay yapos din kay Josh.
“Medyo nga yaya. Kasi hindi ako makakain ng mabuti habang inaayos ko ang mga papers ng anak ko.” ang tugon ni Josh.
“By the way, I want you to meet my daughter, Samantha. Samantha, this is Yaya Lucring and that is Tito Eman.” ang pakilala ni Josh sa dalawa.
Napatingin lamang ang bata sa dalawa pero hindi ito nagsalita. Hawak-hawak lamang niya ang isang brown na teddy bear.
“Hi Samantha.” ang bati ni Eman.
“Ang gandang bata nito. Manang mana ka sa daddy mo.” ang tuwang-tuwang nabanggit ni Yaya Lucring sabay buhat sa bata.
“Yaya Lucring ibaba nyo na ang bata. Mabigat na si Sam. Baka sumakit ang rayuma nyo.” ang biro ni Josh.
“Natutuwa lang naman ako sa anak mo eh. Sya na ngayon ang baby ko at hindi na ikaw.” ang biro naman ni Yaya Lucring kay Josh.
Umuwi ng bahay ang apat. Kapansin-pansin ang pananahimik ni Samantha simula sa airport hanggang sa bahay. Iyon ang unang inusisa ni Eman kay Josh.
Ayon kay Josh, mas malala pa daw doon ang kundisyon ng bata ng ma-rescue siya ng isang child welfare group sa New York. May mga pasa pa ito sa katawan. Buti na lamang daw at hindi ito sexually molested. Umayos na rin daw ang kalagayan niya ng maisailalim siya sa theraphy. Nahirapan din si Josh na maayos ang papeles ng anak nya dahil halos wala siyang documents na magpapatunay na ama siya ng bata maliban na lamang sa mga document niyang hawak noong nakipag-legal separation ang kanyang asawa sa kanya. Nakatulong din ng malaki ang pinoy na abogadong na-hire nya sa New York.
Kumuha ng isang private nurse si Josh upang alagaan si Sam. Nagngangalan itong Jenny. Si Eman naman ay madalas na rin nasa bahay upang maalagaan din niya si Sam. Maayos na sana ang pamumuhay ng tila isa ng buong pamilya ng umeksena sa kanila ang nurse na si Jenny na naging stay-in na rin upang maalagaan ng husto si Sam.
Isang araw, katatapos lamang maligo ni Eman at nakatapis lamang siya ng tuwalya ng mapansin niya si Jenny sa tapat ng pintuan ng kanilang silid na nakatitig sa kanyang katawan habang sinusuklay niya ang kanyang buhok sa harap ng salamin. Hindi niya namalayan na bukas pala ang pintuan sa paglabas niya sa banyo. Binalewala lamang niya ito dahil parang nahiya naman si Jenny ng mapansin niya ito. Napansin din ni Eman ang special attention ni ibinibigay ni Jenny sa kanya. Kapag gumagawa ng meryenda ni Sam si Jenny ay ginagawan na rin niya si Eman. Naging madalas na rin ang kwentuhan ng dalawa lalo ng kung tulog na si Sam.
Hanggang sa dumating ang tuksong hindi maiwasan ni Eman. Kadarating lamang niya noon mula sa paghatid kay Josh sa clinic. Hindi pa siya nakakaligo ng ihatid niya si Josh. Kaya naman ng makauwi na siya ay noon lamang siya naligo. Papatapos na siya ng paliligo noon ng makarinig siya ng mga katok sa pinto ng silid. Si Jenny ang bumungad sa pagbukas niya ng pinto.
“Eman, tikman mo naman itong brownies na ginawa namin ni Yaya Lucring. Masarap ito.” ang bungad ni Jenny tahan-tahan ang isang tray na may lamang isang baso ng juice at brownies.
“Salamat. Sige pakilapag na muna dito.” ang nasabi na lamang ni Eman na nakatapis lamang ng tuwalya at medyo basa ang katawan at buhok dahil sa pagmamadali nitong buksan ag pintuan.
Pumasok si Jenny sa loob ng silid at inilapag ang dala-dala sa side table ng kama. Noon napansin ni Eman ang kasuotan ni Jenny. Nakasando lamang ito at may napakaikling shorts pa. Sinundan ng mga mata ni Eman ang nurse sa paghakbang nito papalapit sa may pintuan. Parang sinapian ng masamang espiritu si Eman at bigla niyang kinabig ang isang braso ni Jenny sa pagdaan nito sa kanyang harapan matapos mailapag ang kanyang meryenda.
“Matagal mo ng gusto ito kaya pagbibigyan kita.” ang mga katagang biglang nasabi ni Eman.
Hindi naman nanlaban si Jenny. Sa halip ay nagbaubaya na lamang ito ng simulan siyang halikan sa mga labi ni Eman.
“Mamaya na lamang Eman. Gising ang alaga ko. Baka hanapin ako.” ang biglang nasabi ni Jenny ng maalala niya ang kanyang alaga.
Continue Reading Next Part